Kotse
Dahil ang opisina ko ay nasa isang liblib na business park sa sulok ng isang malawak na (underdeveloped) commercial district, may shuttle service mula sa baba ng building pamula at pabalik sa sibilisasyon, para sa mga empleyadong walang kotse. Nung isang gabi, nakasakay ko ang ibang ka-trabaho galing sa HR department, at parang nagulat yung isa sa kanila nang makita ako sa loob ng van. "Sir," ang tanong niya, "wala ka atang dalang
car ngayon?"
"Ah, kasi," ang sagot ko naman, "wala akong
car."
"Oh, akala ko coding ka lang or something."
Naisip ko tuloy, pucha, dapat ba sinabi ko na lang na coding ako? Oo coding ako-- araw-araw.
Actually, parang hindi sila sanay na yung nasa posisyon ko, walang kotse. Yung boss ko, lagi akong kinukulit na bumili ng kotse, para daw hindi na ako palaging nale-late. May isang beses kasi, nung unang linggo ko sa trabaho, nag-bus ako at nakatulog ako sa bus. Pag-gising ko, nasa Mall of Asia na ako at na-miss ko yung conference call ko nung umagang yun. Nung lumipat kami ng opisina, tinanong niya ako kung paano ako nakakarating sa trabaho (nag-bu-bus ako, at madalas, bumababa at nag-ta-taxi galing sa Guadalupe). Tapos sasabihan niya ako, "Magkano ba yung ginagastos mo sa pag-biyahe sa umaga? Bumili ka na nga kasi ng kotse!"
Pero para sagutin yung tanong ng boss ko, actually, mas mahal pa rin ang pagbili ng kotse. Isipin mo na lang:
Downpayment. Ang 20% downpayment sa isang bagong kotse ay pumapatatak ng ~Php140k. Alam mo ba kung ilang yema na yung mabibili nun?* At alam ko na may mga promo ngayon, tulad ng Mazda, na Php70k lang ang downpayment, pero kung maliit lang ang downpayment, tatagain ka naman sa...
Amortization. Sabi ni Suze Orman,** kung hindi mo kayang bayaran ang kotse sa loob ng tatlong taon, "You can't afford it! You have been denied, denied, DENIED!!!"
Gas. Kahit medyo nag-mura na yung gas ngayon, mahal pa rin siya. Sa layo ng bina-biyahe ko araw-araw (~12kms.), gagastos ako ng Php80 sa gas lang. Konti lang ang diperensya sa taxi.
Parking. Mahal ang parking-- sa trabaho, sa mall, kahit minsan sa mga restaurants. Pero ang pinakamatindi, yung parking sa bahay. Sa tinitirhan ko ngayon, lalaki ng 50% ang babayaran ko buwan-buwan kung kumuha ako ng parking space.
Maintenance. Tune-up, change oil, car wash, at iba-iba pang gastos. Ang daming kailangang alalahanin, para ka na ring nagkaroon ng...
Girlfriend. Siyempre, pag may kotse, hindi na malayo ang girlfriend.*** Kapag may girlfriend, nandiyan ang gastos sa hatid-sundo, nood ng sine, kain sa labas, at sundo't hatid. Tapos anong mapapala mo? Love? Ang tanda-tanda mo na, naniniwala ka pa rin dun?
The world is too big for love to be real. ****
At kung nagkataon, ang uwi niyo...
Kasal. Siyempre, kailangan bongga yung kasal, siyempre, hindi naman pwedeng hinde. So kukunin mong kumuha ng picture si
Mimi + Karl. Kukunin mo sa
video yung Threelogy, sa pagkanta si
Johnoy, pati yung details, dapat kasing lupit ng
ganito. Eh ang mahal-mahal nun. Pero ok lang sana kung one-time big-time lang, eh hinde, lalo na 'pag nagkaroon ka na ng...
Anak. Alam mo ba kung magkano ang gatas ngayon? Diapers? Eh tuition sa exclusive school? Tapos gagastos ka pa sa baon. Buti sana kung makapasa yung anak mo sa Pisay o sa UP. Eh malamang yan, magre-rebelde pa yung anak mo, malululong pa sa drugs. Ang mahal na ng shabu ngayon.
Kaya yun. Bad idea talagang bumili ng kotse.
* - Pisay 98 inside joke
** - Nanonood ka ba ng Suze Orman Show? Bakit hindi? Palabas siya sa CNBC ng alas-kwatro tuwing Sabado.
*** - Totoo yun. Basahin mo
ang post na 'to.
**** -
But I still do miss her.
Labels: hehehe