Rewind
A note: About a year ago, I used to have a crush on this girl. It wasn't a big enough crush that anything came out of it, but it was a big enough crush that I had the crazy idea to write a 3,000-word story that I hoped she would like (crazy, I know). I'm not saying the story's about her, but I sure was thinking a lot about her when I wrote it. Hey, she's a great girl, and it's a testament to her being a great sport that we're still friends. Hindi katulad ng mga manliligaw ni Tseri, hehehe.
Anyway, I know this is all sooo last year, but I was poking around earlier and got around to reading the story. I cringed a little, thinking I was trying to impress a girl with *this*, but hey, what are you gonna do? I was young, hungry, fresh out of college, and unbelievably stupid.
So I figured, hell, why not post the story here again. Someone might be bored enough over the weekend to sit through the whole damn thing.
Oh, and I changed the title to something a bit more appropriate. Enjoy!
"Superhero"
Isang katutak na sorry na lang ang nagawa ko para sa mamang nabangga ko paglabas ng elevator. Mabuti na lang at nakalata ang bitbit niyang mga San Miguel Super Dry. Mukhang mabait naman yung mama, dahil sa halip na singhal at mura, isang ngiti na lang ang ibinigay niya sa akin, kasunod ng isang mahinang, "Ok lang, pare." Mabuti naman, dahil bukod sa kaya niya siguro akong gulpihin, nagmamadali na talaga ako.
Isa pang sorry mula sa akin, pagkatapos ay halos kumaripas na ako ng takbo palabas ng building.
Siguro nabangga ko siya dahil hindi na ako sanay. Halos buong araw akong nakaupo sa tapat ng computer. Sinasabi nga ng nanay ko, nagpapaka-martir sa trabaho na napakababa ng sweldo. Naka-schedule na nga raw akong barilin sa Luneta eh.
Pero ewan ko, sa totoo lang, merong ilang bahagi ng utak na nagi-guilty sa tuwing kumukuha ako ng sweldo. May isang bahagi na sumisigaw, "Magnanakaw, magnanakaw!" dahil hindi naman talaga "trabaho" ang trabaho ko, hindi naman ito mahirap para sa akin (dahil OO, magaling ako), at dahil nag-e-enjoy akong gawin ito. Merong isang bahagi na nagsasabing sobra-sobra ang nakukuha ko, dahil ginagawa ko rin ang ganitong trabaho noong college kapalit ng pagkain. At meron namang isa pang bahagi na nagi-guilty, na nagsasabing kung mas malaki yung sinasahod ko, 'di sana mas marami akong natutulungan, at wala na akong excuse na hindi tumulong.
Kung kaya naman hindi ko maintindihan yung mga musician, mga artista, at mga basketball player na nagsasabing mahal nila ang ginagawa nila, pero kung sumingil naman, parang balak na nilang mag-retire kinabukasan. Tulad nga ng sabi sa kanta, "They get money for nothing and chicks for free."
Eh yung ginagawa naman nila, wala lang. Tapos ni hindi sila nagi-guilty. Eh ako nga, wala nang money, wala pang chicks. Pero nagi-guilty pa rin ako.
"'Wag mo akong sisihin, kung minsan ika'y hanapin, ito ang unang araw na wala ka na..."
Isang linya lang mula sa kanta at naalala ko na naman siya, at pansamantala akong natigil sa pagsusulat. Inilapag ko ang hawak kong ballpen sa mesa, at tinanggal ko muna ang salamin mula sa 'king mga mata.
Nang sandaling yun ko lang napansin na wala na palang ibang tao sa cafe. Matagal na ring ubos ang cake na inorder ko kanina, habang malamig na ang hot chocolate sa tasa ko na hindi ko na naubos. Nakaupo na lang ang dalawang waitress sa isang sulok, maingay na nagtsi-tsismisan tungkol sa sikyo sa katabing bangko habang wala ang kanilang amo.
Madami-daming pahina na rin ng notebook ang napuno ko, at saka ko lang din napansin na sumasakit na ang kanang kamay ko sa pagsusulat. Pati ang kalyo sa hinlalato ko ay namamaga na rin. Nagsusulat ako tungkol sa mga bagay na wala naman akong pakialam, mga bagay kung saan wala naman talaga ang puso ko. Minsan, sa mga ganitong pagtigil sa pagsusulat, iniisip ko kung meron pa akong kaluluwa. Sa dinami-daming beses kong inisip ang sagot sa tanong na 'yan, hindi ko pa rin alam. Siguro dahil natatakot na din akong malaman.
Bigla ko ring napansin ang pagod na bumalot bigla sa 'king katawan. Inisip kong ipikit ang mga mata ko, pero napigilan ko ang sarili ko bago ko ito magawa. Sigurado kasi akong kapag pumikit ako, mukha niya lang ang makikita ko. Ngumingiti ng sobrang tamis, parang nanunukso, nanunuya, nananakit.
Masakit, hindi dahil sa ayokong makita ang mukha niya, ang ngiti niya, ngunit dahil sa tuwing makikita ko siya, kahit sa pagpikit ko lang, hindi ko mapigilang maalala rin na wala na siya. Pero sa pangalawang pagkakataon, hindi ko na rin napigilan ang pagpikit. Hindi ko rin siya matiis na hindi makita, kahit sa pagpikit ko lang. Dalawang taon na ang nakalipas, pero sa tuwing pumipikit ako, nararamdaman ko na parang kahapon lang nangyari ang lahat.
At parang ito nga ang unang araw na wala na siya.
Merong mga gabing nakahiga ka na lang sa kama mo, feeling mo wala kang silbi, walang kang control. Parang hindi iyo ang buhay mo. Parang hindi iyo ang gabi mo.
Hindi ito ganitong klaseng gabi, dahil AKIN ang gabing 'to.
Pagod na pagod na ko, at wala pa rin akong tulog simula kagabi. Pero sabi ko nga (para na akong lasing, paulit-ulit), akin ang gabing 'to. Tulog, tulog, kalokohan!
Actually, hindi talaga akin ang gabing 'to (labo ba?). Inangkin ko lang para sa kanya, para sa birthday niya. Sinabi niya sa akin mga dalawang linggo na ang nakaraan na ayaw niyang maghanda ako ng anything special para sa birthday niya. Pero nandito ako ngayon, naghahanda pa rin ng something special para sa birthday niya. Alam naman nating lahat na hindi siya nagsasabi ng totoo nung sinabi niya sa akin na ayaw niya ng something special para sa birthday niya, 'di ba?
Anong ginagawa ko? Madami, actually. Nagsimula ako nung isang araw, nung kinausap ko yung mga housemate ko. "Aalis ba kayo ng bahay nang Tuesday night kapag binigyan ko kayo ng pera pang-sine?"
"Oo naman, kami pa, madali kaming mga kausap. Pero pare, 'di ka ba mas makakamura niyan kung nag-motel ka na lang?"
"Mga gago! Wholesome 'to, pare. Wholesome."
"Wholesome daw o."
Eh wholesome naman talaga 'tong gimik ko para sa kanya. Pwede ba namang hindi? Sinabi ko sa sarili ko, balak ko siyang ipagluto. Sinabi ko rin na sisiguraduhin ko na masasarapan siya sa lulutuin ko, kahit ito na ang pinakahuling beses na magluto ako.
Siyempre, umuwi ako sa bahay namin para magpaturong magluto ng morcon. Morcon pa talaga yung pinangarap ko eh, 'no, kung pwede namang fried chicken na lang. I mean, maa-appreciate din naman niya yun, kase una, hindi rin naman siya marunong magluto, at pangalawa, mahal naman daw niya ako eh (sabi niya yun ha). Pero hinde, dapat special para sa kanya.
Kaya eto. Pagkatapos ng ilang muntik nang sunog sa kusina at di na mabilang na paso sa kamay ko, handa na akong pakainin siya ng morcon ngayong gabi.
Bukod sa mga nasabi ko, asar na asar din ako sa mga feeling artiste na wala nang ginawa kung hindi ipamukha sa buong mundo na puno ng angst ang mga buhay nila. Ang sasarap pagbabatukan.
Asar na asar din ako sa mga writer na sobrang yabang, yung tipong, kahit magaling sila, parang lagi nilang pinapalabas na, "Writer ako, at ikaw, hinde!" Pero kung iisipin mo, tulad ng mga musician, artista, at mga basketball player, at tulad ko na rin, wala lang naman yung mga ginagawa nila.
Bad trip din ako sa mga taong feeling na sila lang ang may karapatan at sila lang ang matalino sa mundo. Ewan ko ha, pero kahit kailan, kaya kong magbukas ng libro ni Nabokov at kaya kong intindihin yung mga sinulat niya. Sila, hindi nila kayang ayusin yung http.conf file ng Apache na inaayos ko kani-kanina lang.
Iniisip ko 'to, at naisip ko, ang nerd ko talaga. Buti na lang, meron akong nakasabay sa may sakayan ng jeep na nagsabi sa akin na suot ko pa rin yung ID ko sa opisina.
Nasaan na nga ba ako? Ah, yung mga kinaiinisan. Isa ko pang pet peeve, yung mga taong wala nang ibang maisip sabihin tungkol sa ibang tao kung hindi "nice". Ako, ayokong matawag-tawag na nice guy. Para kasing, ibig sabihin nun, boring ka eh.
Tulad na lang nitong isang kakilala ko dun sa pupuntahan ko. Lahat ng tao, sinasabi, "She's nice." Yun lang. Parang hindi nila nakikita kung gaano siya katalino. O na nakakatawa siya. O na siya yung pinakamasipag sa kahit anong bagay na ginagawa niya. O ang lahat nang yun, hindi niya ipinamumukha sa kahit sino. O kahit sa mundong ginagalawan niya na puno ng mga self-centered na tao, hindi siya self-absorbed. O na kapag ngumiti siya, mapapatigil ang puso mo nang mga dalawang segundo. Kahit na pagud na pagod na siya, mukha pa rin siyang prinsesa. Maganda din siya. Napakaganda. At marami pang iba.
Putek, hindi nga ako magugulat kung sa gabi, nagpapalit siya ng costume at nagliligtas ng mga tao laban sa mga masasamang loob. Tapos ang masasabi lang ng mga tao para sa kanya, "She's nice"?
Hindi na ako makapagsulat pagkatapos kong tumigil, kaya naman tumayo na rin ako at umalis. Dumaan muna ako sa supermarket para bumili ng ibang bagay. Natawa ako sa lalakeng nauna sa 'kin sa pila. Bumili siya ng madaming imported na tsokolate at isang Chocnut, sabay sinabi niya sa kahera na mas mahal niya yung isa niyang girlfriend. Ang labo. Pero yun ata ang unang pagkakataon na tumawa ako ngayong araw.
Siya lang ang naging girlfriend ko. Matagal-tagal din kami, kung tutuusin, pero sobrang... bitin. Kaya nga eto ako ngayon eh, ganito. Bitin.
Naaalala ko noon, gusto kong palaging hinahawakan yung kamay niya. Tapos, pipisilin ko palagi nang may kahigpitan. Lagi rin niya akong tatanungin kung bakit, at lagi kong sasabihin sa kanya na, Wala lang. Hindi ko masabi na hinahawakan ko yung kamay niya dahil ayokong kailanman na mawala siya. Hindi ko masabi na wala akong ibang kamay na gustong hawakan. Hindi ko masabi na kapag hawak ko ang kamay niya, lahat ng bagay, feeling ko, kaya kong gawin. Titingin ako sa mga mata niya, at makikita ko na hindi nga niya alam lahat nang yun. At hindi ko rin alam kung bakit takut na takot akong sabihin sa kanya lahat.
Ngayon tuwing naaalala ko, iniisip ko, dapat sinabi ko sa kanya lahat yun.
Siyempre naman, dahil wala rin akong tiwala sa sarili ko sa pagluluto, marami pa rin naman akong fallback option para kahit papaano, maging special pa rin ang gabing 'to para sa kanya. Tulad kagabi, nagkasugat-sugat ang mga kamay ko sa pagputol-putol ng sangkatutak na kandila para sa candle-lit dinner namin. Marami-rami rin yun, sapat para mapaligiran yung buong balcony ng bahay namin.
Naalala ko yung episode ng "Friends", dun sa kasal ni Ross kay Emily. Ilang araw bago sila ikasal, na-demolish yung simbahan na pinapangarap ni Emily na doon siya ikasal. Dahil sa gusto ni Emily na dun talaga ikasal, ginawan na lang nila ng paraan at nilagyan ng maraming kandila para magmukhang maganda yung lugar. At gumanda nga siya. Naisip ko, kahit anong lugar naman, basta gabi at pinuno mo ng walang ibang ilaw kung hindi maraming kandila, nagiging maganda.
Pinuno ko rin yung mga haligi ng balcony namin ng mga heart-shaped na lobo na pink at purple. Ang kikay nga eh. Pero in fairness, maganda yung effect niya 'pag kandila lang yung ilaw sa paligid.
Kanina, dumaan din ako sa supermarket para ibili siya ng maraming-maraming tsokolate. Sinasabi nga sa akin ng nanay ko, bagay na bagay daw kami, dahil pareho kaming chocolate addict. Sabi ko naman, Hindi nga eh, kase kung hindi siya mahilig din sa tsokolate, eh 'di sana wala na akong kaagaw.
Marami-rami rin ang nabili kong tsokolate, sapat para makapuno ng isang medium-sized na basket. Panay imported ang binili ko, tapos bago ko bayaran, may naisip ako. Bumili ako ng isang pack ng Chocnut.
Kaya naman weird yung tingin sa akin nung kahera, nung magbabayad na ako. Ngumiti na lang ako, at sinabi sa kanya, "Wala miss eh, talagang mas mahal ko yung isang girlfriend ko, so yung isa Chocnut na lang." Natawa naman siya, pati na yung mamang sumunod sa akin sa pila.
At dahil dun, gusto ko siyang makita.
Ano naman ang sasabihin ko sa kanya? Na sa milyun-milyong bagay na iniisip ko sa araw-araw, siya lang ang talagang iniisip ko? O na sa bilyun-bilyong tao sa buong mundo, siya lang ang gusto ko talagang makita?
Actually, wala naman talaga akong gustong sabihin sa kanya. Feeling ko, pagdating ko dun, ngingitian ko lang siya, sabay hihirit ng isang makabagbag-damdaming, "Kumusta ka na?" na pinag-praktisan ko pa.
Pero ok lang yun. Gusto ko lang naman siyang makita. Wala naman akong sinabing gusto ko siyang maging girlfriend, o gusto ko siyang pakasalan, o gusto kong siya ang maging ina ng mga anak ko.
Gusto ko lang siyang makita.
Ayoko naman talagang maawa sa sarili ko eh.
Hindi ko gustong iniisip siya. Hindi ko gustong naaalala siya.
At kung tutuusin, hindi ko na naman siya palaging iniisip. Hindi ko na siya palaging naaalala. Merong mga araw na mula paggising hanggang sa pagtulog ko, ni minsan hindi siya sumagi sa isipan ko. Merong mga araw na mawawala lang ako sa lahat ng mga ginagawa ko, at hindi ko maiisip na minsan naging bahagi siya ng buhay ko. Habang lumilipas ang panahon, dumadami ang mga araw na ganito, kaya naman sa palagay ko, kahit papaano'y nakaka-move on na ako.
At minsan naman, merong mga gabing ganito, na sa bawat kurap ko'y parang isang sulyap sa maamo niyang mukha. Maglalakad ako sa mga kalye nang walang paroroonan, at bawat bagay na makikita ko'y parang may kinalaman sa kanya, sa akin, sa aming dalawa. Sa bawat hakbang ko, parang merong bumubulong, naririnig ko ang tinig niya, at hindi ko maalis sa isip ko kahit anong lakas nang mga tunog sa paligid. Natutunan ko na lang na maupo at harapin, alalahanin ang lahat.
Bigla akong babalik sa nakaraan, sa panahon na masaya, sa panahon na lahat ay tama. Kausap ko siya hanggang alas tres nang umaga, at nagpapalitan lang kami ng mga bulong. Mga bulong na walang ibig sabihin, mga bulong na walang katuturan, pero mga bulong na siya ring pinaka-importanteng mga bagay sa buong mundo. Mga bulong na nagsasabi, nagpapahiwatig na nandyan lang siya.
Ngayon, wala na siya, at lipas na rin ang alas tres nang umaga.
Isang sakay lang ng jeep ang bahay nila mula sa amin. Oo, nagji-jeep lang kami 'pag lumalabas, o kahit nung nanliligaw ako sa kanya. Wala kasi akong kotse eh, at ako yung lalake na ayaw magka-kotse. Sayang kasi eh, kahit convenient siya, ang laking bagay yung naitutulong mo sa environment kung mag-commute ka na lang kesa yung mag-kotse ka. Kaya nga ayokong-ayokong dumaan sa may Katipunan, naiirita lang akong makita na sobrang traffic dahil sobrang dami ng kotse, na usually tig-iisa lang naman ang sakay. Hindi ko naman sinasabi na ayoko nang magkaroon ng kotse habangbuhay, dahil kakailanganin ko naman siya 'pag may pamilya na ako. Pero ngayon, hindi ko pa naman siya kailangan.
Hindi naman yun naging problema sa panliligaw. Naisip ko kase, kung ayaw lang naman sa akin ng isang babae dahil lang sa wala akong kotse, wala na akong magagawa kung hindi i-emulate si Gary Granada, "Ayoko na rin sa kanya." At yun nga, hindi naging problema, kase may girlfriend ako ngayon.
Pagod na pagod na ako, pero kailangan hindi niya maramdaman yun. Ok lang naman, hindi pa naman ako masyadong windang. Mas mukhang windang yung lalakeng nakasabay ko sa sakayan, na kinailangan ko pang sabihang suot pa rin niya yung ID niya sa opisina. Yun ang windang.
Tatay niya ang nagbukas ng pinto. Isang "hi" lang ang namagitan sa aming dalawa, pagkatapos ay pinapasok niya na ako, tinawag ang girlfriend ko, at bumalik na sa kanyang pagkakaupo at panonood ng laban ng Coke at Talk N Text sa TV.
Naalala ko pa nung una niya akong ipinakilala sa tatay niya. Nakakatawa, dahil pati ang tatay niya, hindi alam kung pa'no magre-react dun sa presence ko sa bahay nila. Birthday din kase niya nun, at dahil ako yung unang lalake na dinala niya sa bahay, hindi talaga sanay yung tatay niya.
Weird din naman yung sitwasyon na yun para sa akin. Mas nahirapan pa akong pakiharapan yung tatay kesa ligawan yung anak. Naisip ko, ayoko na talagang makiharap pa sa mga tatay ng ibang mga babae. Kaya nga, gusto ko, dito na lang ako sa tatay na 'to makikiharap habangbuhay.
Ngayon, ok na. Usually, nagde-dedmahan na lang kami ng tatay niya, at paminsan-minsan mag-uusap tungkol sa basketball. Ok lang, actually, kase ganun din naman ako sa mga tito ko sa amin eh. At least, sanay na siyang nakikita yung pagmumukha ko sa bahay nila.
Maya-maya, bumaba na siya, at isang sulyap lang naalala ko na kung bakit ko ginagawa ang lahat ng 'to para sa kanya. "Happy birthday!" na lang ang nasabi ko, sabay abot ng dala-dala kong Chocnut sa kanya.
"Ano 'to?" ang tanong niya sa akin, nakangiti.
"Eh 'di ba sabi mo, nothing special lang sa birthday mo? Eh siyempre, boyfriend ako, nahiya naman akong pumunta dito na walang dala."
"Ah ok. So, saan tayo ngayon?"
"Ah, nothing special din. Dun lang tayo sa bahay namin, tambay lang tayo."
Sinalubong agad ako ng isang kabarkada. Pagkatapos ng maikling pangungumusta (na hindi naman makabagbag-damdamin), tinanong ko kung nasaan siya.
Wala na. Nakaalis na daw.
"Pare, kung gusto mo talaga, bakit hindi mo na lang tawagan? Yayain mo mag-date. Alam mo naman yung number eh."
"Ayoko nga. Baka isipin pa niyang patay na patay ako sa kanya."
"Bakit, hindi ka ba patay na patay sa kanya?"
"Patay na patay. Pero hindi niya na kailangang malaman yun."
Tumawa na lang yung kabarkada ko. Tumawa na rin ako, kase feeling ko kahit papaano nakakatawa naman yung hirit ko eh.
Pero pucha, sayang. Gusto ko lang naman sana siyang makita. Mababaliw na yata ako.
Sa pag-uwi, nabangga ako ng lalakeng palabas ng elevator, at naputol ang pagmumuni-muni ko. Pinulot ko ang mga lata ng San Miguel Super Dry na nahulog. Ngumiti na lang ako pagkatapos niyang mag-sorry, at sinabi ko sa kanya na okay lang.
Nandito na ako ngayon sa tapat ng computer, binabasa ang mga sinulat niya. Lahat ng ito, mga ilang libong beses ko nang nabasa, at ano bang masama kung basahin ko sila nang isa pang beses? Tutal, ilang buwan ko na rin silang hindi nababasa.
Binabasa ko ang mga nakasulat na para sa akin. Binabasa ko sa mga sulat ang mga hindi nakasulat, na para sa akin. Pati ang mga sinulat niya na hindi naman para sa akin, pero gusto kong isipin na para sa akin, binabasa ko na rin.
At sa gitna ng lahat ng pait, mapapangiti na lang ako sa alaala ng isang anghel. Iisipin ko na kahit wala na siya sa aking piling, sigurado akong hinihintay naman niya ako sa langit.
Pagbaba ng jeep habang naglalakad papunta sa bahay, sinalubong agad ako ng kabarkada ko na may dalang isang malaking bouquet ng bulaklak. Siyempre, ako yung bumili ng mga bulaklak na yun, at may script na kami ng kaibigan ko.
"O, pare, nagkataon, meron akong binebentang isang bouquet ng bulaklak, baka gusto mong bilhin."
"Aba, tamang-tama ang timing mo, dahil may date ako ngayong gabi. Magkano ba 'yang bouquet na 'yan?"
"Murang-mura lang, bukas mo na lang ako bayaran."
"Aba, salamat pare. Da best ka talaga."
Iniabot ko ang bulaklak sa girlfriend ko, na nakangiti at aliw na aliw sa lame (pero cute) na skit namin. Lumaki pang lalo ang ngiti niya nang makita niya ang balcony namin, ang mga kandila, lobo, basket ng tsokolate, at yung isa ko pang present sa kanya na nakabalot (na may lamang video ng paborito niyang animated na pelikula).
At wala pa siyang idea na pakakainin ko siya ng morcon mamaya!
"Timeout, 'di ba sabi mo wala ka pang tulog mula kagabi? Ang galing mo naman, pa'no mo nagawa 'tong lahat?"
"Haha, 'di mo ba natatandaan yung palaging sinasabi ko sa 'yo dati nung nililigawan pa lang kita?"
"Alin dun? Ang daming bola nun eh."
"'Di ba lagi kong sinasabi ko sa 'yo nun, ako si Superman? Ayaw mo pa ngang maniwala eh".
Lalo pang lumaki yung ngiti sa bibig niya. Naalala niya. Tinatanong niya palagi kung bakit nandun pa rin ako, nagta-tiyaga sa panliligaw sa kanya kahit abut-abot na hirap na yung dinanas ko. Tinatanong niya kung hindi ba ako napapagod. Paano ako mapapagod, isasagot ko, eh ako si Superman. Ewan ko lang ngayon kung naniniwala na siya.
Tinitingnan ko siya ngayon habang nakangiti, at wala na akong masabi. Wala na naman yata akong dapat sabihin. Sa totoo lang, dapat pagud na pagod na ako, pero hindi ko na yun nararamdaman, nandito siya ngayon, at wala na akong iniinda.
Ako si Superman eh.