Baduy
Ang ganda-ganda mo pala.
Hehe, matagal ko nang alam na maganda ka, pero para bang nung isang araw ko lang naisip na, yun nga, ang ganda-ganda mo pala. Nung isang araw ko lang yun naisip, at nung isang araw pa kita iniisip. Ang ganda-ganda mo pala.
Sa tinagal-tagal nating magkakilala, bakit nga ba ngayon ko lang naisip isipin yun? Siguro dahil sa tinagal-tagal nating magkakilala, palaging merong ibang lalake sa buhay mo na nag-iisip ng ganun tungkol sa 'yo. Palaging merong ibang lalake na nag-iisip kung gaano kaamo ang mukha mo, palaging merong ibang lalake na naliliwanagan ang bawat pagpikit ng alaala ng ngiti mo. Palaging merong ibang lalake na tila baliw na baliw sa iyo.
Na-i-imagine ko nga kung anong klaseng pagkabaliw ang nangyayari sa mga lalakeng kinababaliwan ka. Yung tipong halos sumabog na ang dibdib bago ka tawagan sa telepono, at halos mautal na kapag narinig ang boses mo sa kabilang linya. Yung tipong akala mo hindi nine-nerbiyos kapag kaharap mo, pero abot-tenga ang ngiti at halos magpamisa na sa sobrang saya kapag nag-reply ka sa corny na text niya. Yung tipong masaya buong araw, dahil merong pag-asa na bukas, magkikita kayo, at baka umoo ka pag niyaya ka niyang mag-meryenda, ng pancit, doon sa may canteen.
Ang sarap mo sigurong kasabay sa meryenda.
Buti na lang hindi mo binabasa itong blog ko (o hindi nga ba?). Mamaya, magselos pa sa akin yung mga boylet mo.