Biyaheng Peyups
Alas-singko y medya ng hapon, nakaupo ako sa isang sulok ng Shakey's nang biglang magsipasok ang isang batalyong estudyante galing sa eskuwelahang pambabae sa kabilang kanto. Nagsi-akyat ang mga dalagita sa pangalawang palapag, kung saan mukhang mayroong birthday party. Na-kumpirma ang hula ko nang sabay-sabay magkantahan ng "Happy Birthday!" ang mga tao sa taas na sinundan ng malalakas na halakhak.
May labinlimang minuto na rin akong nandito, matapos kong umalis mula sa trabaho nang alas singko. Sa wakas, dinala na ng waiter sa akin ang kahon ng pizza na in-order ko, at dali-dali akong lumabas ng pinto.
Nagsimula akong maglakad papunta sa MRT station. Dahan-dahan kong binunot ang pre-paid na MRT card mula sa aking bulsa gamit ang kaliwang kamay, habang tangan ko pa rin sa kanan ang pizza. Bumulaga sa akin ang mahabang pila sa baggage security inspection pag-akyat ko nang hagdanan, at napaisip tuloy ako kung dapat bang nag-taxi na lang dapat ako. May isang oras pa naman ako, pero ayoko lang talagang ma-late ngayon.
Nalaman ko na hindi naman pala 'to magigig problema pag-akyat ko sa boarding platform, kung saan kakaunti lang ang North-bound na pasaherong katulad ko. Kabaliktaran ito sa kabilang gilid ng mga riles, kung saan parang sardinas ang mga tao. Sandali lamang at sakay na ako ng isang tren, at ilan pang sandali ay lulan na ako ng jeepney papunta sa unibersidad.
Bumaba ako sa may food center, kung saan bumili ako ng dalawang large na frozen Coke, at sinimulan ko na ang paglakad patungo sa building nila. May kaba na pumasok sa aking katawan, kaba na palagi kong nararamdaman sa tuwing makikita ko siya. Nangyari ito noong unang beses na nakita ko siya, at nangyayari pa rin ito hanggang ngayon. Hindi na siguro ako nasanay. Tuwing nakikita ko siya, naroon pa rin ang pagkasabik.
Hindi pa tapos ang klase pagdating ko sa building. Tumingin muna ako sa cell phone ko, at nalaman ko na mayroon pa akong mga labinlimang minuto bago siya lumabas. Nakahanap ako ng isang bangko may limang metro ang layo. Napansin ko sa pagtingin sa paligid na malaki na ang idinilim ng langit mula nang umalis ako sa pizza parlor kanina.
Labinlimang minuto lang dapat, pero animo'y oras ang iniupo ko doon sa matigas na bangko. Sa wakas, may ingay na nagmula sa classroom, na kung iisipin ay hindi naiba mula sa ingay na mula sa party sa pizza parlor kanina, na naghudyat ng pagtapos sa klase. Kita paglabas niya sa pinto ang pagkakaupo ko, at doon ako, nag-aantay at nakangiti, mukhang tanga. At siyempre, nandoon pa rin ang kaba.
Ngumiti siya nang makita niya ako. Surpresa dapat, pero hindi siya mukhang na-surpresa. Sa halip, mukhang nahulaan niya na pupunta ako dito, at nakangiti siya dahil masaya siya dahil tama ang hula niya.
Siyempre, sa ngiti pa lang niya, suko na ako. Palagi namang ganyan eh. Noong una ko siyang makilala, may dalawang summer na ang nakakaraan, ganyan din ang nangyari. Lumapit ako sa tabi niya para magtanong, ngumiti siya, at nakalimutan ko nang lahat pati na ang pangalan ko. Kinailangan ko pa ng dalawang sandali para lang maalala kung ano ang dapat kong sabihin sa kanya.
Swerte na lang ako, dahil kinailangan din niya ng dalawang sandali para makarating sa kinauupuan ko. Nasa kanan ko ang pizza, kaya't sa kaliwa ko siya naupo, sabay tanong, "O, ba't nandito ka?"
Nakangiti pa rin akong mukhang tanga sa buong panahon na 'yon. Binigay ko sa kanya ang isang frozen Coke, na agad niyang ininom. "Wala eh, pinagdala ako ng guwapo mong boyfriend ng pizza."
"Hindi naman guwapo 'yung boyfriend ko ah."
Tumawa kami. Sinimulan kong buksan ang kahon ng pizza, na pinahirap dahil sa pagkakatali ng plastic na tali nito. Kumuha ako ng susi sa bulsa ko para ipamputol, habang tinanong ko siya, "Kumusta naman ang araw mo? Hindi ka naman nila inapi? Tara, awayin natin!"
"Ha ha, hindi naman." Kwinento niya 'yung nangyari kanina sa dalawang kasama niya sa org sa tambayan. Nag-propose 'yung lalake sa babae, may kasama pang isang malaking bouquet ng chrysanthemums. Siyempre, hindi na nakahindi 'yung babae.
Hirap pa rin ako sa pagputol sa tali ng kahon ng pizza nang maramdaman kong ilapat niya ang kanyang ulo sa balikat ko. Umakbay ang kaliwang kamay ko sa kanyang balikat at tiningnan ko siya, na nakapikit na ang mga mata. Bumulong ako, nagtanong na halos retorikal, "Pagod ka na 'no?"
Tumango siya.
"Gusto mo, kwentuhan na lang kita tungkol sa girlfriend ko?"
Isang malaking ngiti ang namuo sa kanyang mga labi, at muli siya tumango.
Bumubulong pa rin, sinimulan ko ang aking kwento, "Alam mo kase, yung girlfriend ko, sobrang ganda no'n. Kung direktor nga lang ako ng commercial, kinuha ko na 'yun eh. Bagay na bagay 'yun, lalo na sa commercial ng Tanduay."
"Baliw."
"Hindi, pero talaga, ang ganda no'n, nakakatunaw 'yung ngiti. Ang dami ngang may crush doon dati eh. Pero hindi lang 'yun ha, sobrang bait no'n. Wala ngang masabi 'yung buong baranggay doon sa babaeng 'yun eh."
"Talaga lang ha?"
"Oo 'no. Kung kandidato nga siguro 'yun sa eleksyon, nanalo na 'yun ng landslide."
"Sira ka talaga."
"Ha ha, pero totoo, sobrang astig 'yung babaeng 'yun. Ang dami ngang nagtataka kung paano ako naging boyfriend niya eh."
"Eh sa palagay mo naman, bakit?"
"Hindi ako sigurado ha, pero palagay ko, tatlong letra lang 'yan eh: KPR."
"KPR?"
"Katawang pang-romansa. Katawan ko lang ang habol niya."
"Baliw!" ang sigaw niya, sabay kurot sa aking tagiliran. "O, tapos?"
"May tapos pa? Hindi pa ba tapos 'yung kwento ko?"
"Hindi pa!" ang pataray niyang sagot.
"Sige... uhm, tapos minsan may pagka-selosa yun..."
"Hindi naman ah!"
"Ay, hindi ba? Ha ha, o sige, hindi na nga. Hindi siya selosa. Sobrang understanding nga 'yun eh."
Tinapos ko ang aking "kwento" habang nanatiling nakalapat ang ulo niya sa kaliwa kong balikat. Maya't maya siyang umaalma para ibahin ang ibang detalye ng "kwento" ko ayon sa gusto niya. Sa wakas, nabuksan ko na ang kahon ng pizza.
Gamit ang kanan kong kamay, kumuha ako ng isang pirasong pizza, sabay bulong sa kanya ng, "Kain na." Minulat niya ang kanyang mga mata at itinaas ang kanyang ulo mula sa akin balikat para magpasubo. Pagkagat, muli niyang inilapat ang kanyang ulo sa balikat ko at ipinikit ang kanyang mga mata.
Ibinaba ko ang piraso ng pizza sa kahon, kumuha ng napkin, at pinunasan ang kanyang mga labi. Pagkatapos ay hinagkan ko ang kanyang noo, bago ko ibinulong kung ano ang nararamdaman ko para sa kanya.
Isinulat, December 2002
Isinalin sa Tagalog, November 2003